Wednesday, December 1, 2010

letter to you

             Isang taon na nakararaan nang una kong maramdaman ang magmahal sa isang taong hindi ko inaakala na mamahalin ko nang ganun kalalim. Hindi ko ninais na magmahal sa ganoong paraan. Kahit iniwasan ko na,ngunit bakit kahit sa cellphone ko lamang sya nakilala nahulog rin ang damdamin ko sa kanya. Hindi ko alam kung ano ang nararapat na itawag sa pagmamahal na yun. Basta ang alam ko lang at nararamdaman ko lang na masaya ako, nasasaktan, nalulungkot, naiinis, natatakot at galit pag kasama ko sya. Sa cellphone…
            Kasama ko sya sa mga panahon na malungkot at masaya ako. Andyan sya para pagkwentuhan ko ng kahit ano, pagtanungan ko ng kahit anong bagay na tungkol sa kanya at binabahagi ko rin ang tungkol sa kin. Nag eenjoy ako sa mga oras na magkasama kami kaso nagsimulang magbago ang damdamin ko para sa kanya. Natatandaan ko pa noon, nang minsang nagkwento sya tungkol sa nararamdaman nya para sakin. Higit na raw sa pagkakaibigan ang nararamdaman nya ngunit sa mga panahong yon, may nag mamay ari pa ng puso ko bagamat may nararamdaman akong espesyal para sa kanya. Inlihim ko ang damdaming yon sa kadahilanang ayaw kong masaktan ang taong karelasyon ko sa panahong yon. Lihim ko ring itinago ang tunay na estado ng aking love life noon dahil isa ring nakababahalang lovestory ang meron ako nung mga panahon na yun. Ngunit alam ko,may sasalo sa kin pag dumating ang araw na tuluyan na akong mahuhulog sa kanya.
                  Nanatili pa rin ang aming pagkakaibigan hanggang sa dumating ang araw na nagkita na talaga kami. Ngunit bago pa ako nakipagkita sa kanya sa unang pagkakataon, wala na at sirang sira na ang relasyon namin ng nauna kong nobyo kaya lakas loob akong nakipagkita. Nakipagkita ako hindi dahil sa gusto kong magkaroon agad ng kapalit ngunit sa kadahilanang mahal ko na sya bago ko pa lang sya nakita. Napatunayan ko sa sarili ko ang damdaming yon dahil parte na sya ng araw ko, paggising ko pa lamang sya na ang hinahanap ko, sya nagpapasaya sa kin kahit wala pa syang ginagawa lalo na’t mayroon, magaan ang loob ko sa kanya kahit hindi pa kami nagkita, nagagawa kong sabihin at ibahagi ang mga bagay na tungkol sa kin maging sa pribadong bagay, sya ang  huling tao na pumapasok sa isip ko bago ako matulog at pinapanalangin na sana kahit sa panaginip makita ko sya. Isang kakatuwang eksplinasyon ng pag ibig para sa iba ngunit isang makabuluhan at katangi tanging pag ibig para sa kin. Isang katibayan na ako’y umiibig na sa lalaking yon. Isang pag ibig na nabuo sa tulong ng pandama sa taong kahit malayo’y nagagawang utusan ang puso upang damhin ang naturang damdamin. Kaya ako’y nakipagkita sa kanya at hinarap sya ng buong giliw.
                    Unang kita ko pa lamang sa kanya agad rumehistro sa aking mukha ang pagkatuwa dahil ang lalaking nasa harapan ko ay ang mismong lalaking pinalangin kong makita sa aking panaginip. Isang bagay na  gumising  sa aking kamalayan ng mga oras na yon at akin lamang naibulong “sya na talaga..” at agad akong lumapit sa lugar kung saan sya’y nakatayo at naghihintay. Hindi ko alam kung ano ang unang salita na aking bibigkasin. Dahil sa magkahalong kaba at saya ang aking nararamdaman nung mga oras na yun. Hinayaan ko na lamang ang aking sarili na kumilos ng naayon sa aking nararamdaman upang hindi masyadong halata sa kanya na nahihiya ako. Magaan man ang loob ko sa kanya ngunit nauunahan pa rin ako ng hiya dahil hindi nya pa rin alam na may nararamdaman na akong kakaiba sa kanya. Kakaiba na halos gustong gusto ko syang yakapin pero akbay lang ang tangi kong nagawa. Hindi ko alam kung anong nasa isip nya sa mga oras na yun dahil kami lamang dalawa ang tao sa naturang lugar. Nabigkas na lamang nya sa akin, “ magaan ang loob ko pag kasama kita..” at nasagot ko nalang sya na, “ ako rin..sobrang gaan na parang matagal na tayong magkakilala..”  yun ang isa sa mga tagpo na hinding hindi ko makakalimutan. Magkaakbay kami at nakatitig sa kalawakan na wari’y kami lamang ang nakabukod at pumalayo sa karamihan. Isang tagpo na hanggang ngayo’y akin pa rin iniingatan at binabalik balikan sa aking isipan. Na nag iiwan sa akin ng ngiti pag aking ginugunita bago ako matulog, nagpapabago sa aking bad mood pag sisimulan ko nang isipin.
                Hindi ko rin makalimutan ng iabot ko sa kanya ang aking regalo dahil mismong kaarawan nya ng magkasama kami.  Nagulat sya sa isang di kalakihang board na nakabalot at isang keychain na korteng gitara. Sinadya kong ipakorte ang naturang keychain dahil mahilig sya sa gitara at sa likod nito’y nakasulat ang “ to FM from NC.” “ NC” ang tawag nya sa kin.. na ang ibig sabihin ay “NOTHING COMPARES.” Tinanong nya rin ako kung anong gusto kong itawag sa kanya,pumasok agad sa isip ko ang letrang “FM” dahil na rin siguro sa nakikinig ako ng music ng mga oras na yun. “FM” na ang ibig sabihin ay “ FOREVER MINE.” Ngunit ngayon, hindi ko na alam kung ano na ang tunay na kahulugan nito.
                Nang minsan kong sabihin ang tunay kong nararamdaman sa kanya sya naman tong agad nag iba. Hindi ko alam kung anong nagging mali, kung anong nangyari sa damdamin nya’t bigla nalang syang nag iba. Buong loob kong inihayag ang aking pag ibig ngunit nasaktan lang ako sa kanyang tinuran. “ kalimutan mo nalang yung sinabi ko sayo tungkol sa feelings ko. Ituring mo nalang ako bilang kuya mo.” Nagulat ako nun. Nasa gitna na kami ng isang magandang kwento ng pag ibig na unti unti ng umuusbong ngunit bigla na lamang tutuldukan ng isang masakit na katapusan. Wala akong nagawa kundi tanggapin ang mga sinabi nya habang isa isang tumutulo ang aking mga luha. Sobra akong nasaktan. Sa sobrang sakit nagawa kong saktan ang aking sarili, ngunit wala akong naramdaman dahil mas masakit yung dinulot nya sa puso ko. Gabi gabi ko syang iniyakan. Kahit patuloy pa rin ang komunikasyon namin, nagawa ko pang ilihim na nasasaktan pa rin ako. Nasasaktan ako dahil hanggang doon nalang kaming dalawa, na kailangan pang mag iba ang turing ko sa kanya dahil pinipilit kong ipasok sa kokote ko na magkaibigan na lang kami. Ang hirap tanggapin na ganun na lamang ang kahahatungan ng lahat. Kung kailan ko pa sya lalong minahal dun pa sya mawawala. Kung kailan pa nya nabuo ang kulang sa pagkatao ko, dun pa sya nag iba. Ang masakit pa nito, tinulak pa nya ko palayo at hiniling sa kin na kalimutan ko na lamang sya.
               Tumatak sa puso ko ang mga sinabi nya. Na nagpaigting sa aking galit at pagkamuhi sa kanya. Iniwasan ko sya sa kadahilanang masyado na akong nasaktan. Ni hindi na ako nagpaparamdam sa kanya. Hindi ko na ginagawa ang dati kong ginagawa na paggising sa umaga sya ang una kong ittxt, na bago ako matulog mag gugudnyt muna ako sa kanya, na ireremind sa kanya na kumain sya sa oras, na mag iingat sya palagi at payuhan sya na wag sya masyado magpapagod. Iniwasan ko ang mga bagay na nakasanayan kong gawin, mga salita na nakasanayan ko ng sabihin sa kanya. Gaya ng pagamit ng tawagan naming, dahil alam ko na ang tunay na kahulugan ng FM, FM- Friend of Mine pala.
              Binuksan ko muli ang aking puso sa iba. Hinayaan kong mapalapit ako sa kaibigan ng kuya ko. Wala sa king hinagap na magiging kami kahit wala akong nararamdaman na pagmamahal sa kanya dahil ang alam ko,sa king kaloob looban si FM pa rin ang minamahal ko. Kaya kahit selfish man, nagawa kong ibaling sa aking nagging nobyo ang aking pagmamahal na para naman talaga sa kanya. Sa tuwing magkasama kami, si FM ang iniisip ko na kasama ko, sa tuwing hinahalikan nya ko si FM pa rin ang nararamdaman ko… hindi ko namalayan isang araw na umiyak nalang ako sa harapan nya dahil sya pa rin pala ang mahal ko. Hindi ko pinagtapat yun dahil alam ko masasaktan sya. Bagkus unti unti akong nagbago at hinayaang tuluyan nya akong hiwalayan.nasaktan man ako sa nangyari dahil kahit papano pinunan nya ang pangangailangan ko na mahalin din ang tulad ko.
             Kinapa ko ang sarili ko. Naramdaman kong mahal na mahal ko pa rin talaga sya. Ang mali nga lang, wala na kong karapatan na ipagpatuloy na mahalin sya. Dahil sarado na ang puso nya para sa pagkakataon na makapasok ako ulit at hayaan na ipadama sa kanya na mahal ko pa rin sya. Ipinadama nya sa kin na walang katuturan ang nararamdaman ko. Na kailangan ko ng kalimutan at itapon ito dahil kailanman hindi nya kayang tumbasan ang pag ibig ko. Hindi ko alam kung saan ako lulugar sa buhay nya. Pinili ko mang pigilan ang nararamdaman ko ngunit nakita ko pa rin ang sarili ko na nagtapat ulit sa kanya. Isinugal ko ang maari kong maramdaman matapos kong ipagtapat ulit sa kanya. Magulo man ngunit ng sabihin nyang “same here” nagawa kong magduda. Dahil sa ganung dahilan pa rin ang pagkagusto nya sa kin. Nararamdaman ko na sinasabayan lang nya ako dahil alam nyang mahal ko sya. Sinasamantala lamang nya ang pagkakataon dahil nagmumukha na akong desperada dahil sa ako na mismo ang nagtapat na mahal ko sya. Nilunok ko ang aking pride alang alang lang sa ikagagaan ng aking kalooban. Isinugal ko ang aking maaring maramdaman matapos kong aminin na hanggang ngayon sya pa rin. Sya pa rin ang pinapanalangin ko na mapanaginipan, sya pa rin ang nauuna kong naalala pag gising ko sa umaga, na sya pa rin ang huling tao sa isip ko bago ako matulog, na sya pa rin ang pinapangarap ko na makasama ko hanggang sa pagtanda ko hindi lamang bilang isang kaibigan ngunit higit pa ron..na sya pa rin ang hinihiling kong makita kahit sandali lang, na sya pa rin ang  laman ng puso ko, sya at sya lang kahit ako lang ang nakakaramdam nito. Kahit ang sakit sakit na, pero patuloy pa rin ako sa pagmamahal sa kanya. Sabihin man nila sa kin na sobra na akong tanga ngunit tanngap ko dahil noon pa lang talaga tanga na ako sa larangan ng pag ibig. Lalo lang akong nagiging tanga pag lalo akong pinapaasa. Kaya panahon na upang gumising ako sa katotohanan na hndi nya ko talaga kayang mahalin gaya ng pagmamahal ko sa kanya dahil kung totoo man ang sinabi nyang gusto nya rin ako, hinamak nya ang layo at hadlang alang alang lang na maipadama nya sa kin na totoo ang sinasabi nya. Ngunit hindi nya yun ginawa. Sa loob ng isang taon dalawang beses lamang kami nagkita at ikinatatampo koi to dahil lagi lamang syang nangangako sa kin na magkikita kami ngunit hindi naman natutuloy, siguro marahil maging ang tadhana ayaw kaming hayaan na magkita at magkasama.
                Marahil may mga bagay na sadyang hindi laan para sa isat isa. Kahit kay sarap damhin ang naturang damdamin, ang saya pag kasama sya, ang kilig pag andyan sya ngunit kung ikaw lang ang nakaramdam, kung ikaw lang ang nagbibigay ng sarili mong dahilan sa mga nangyayari sa inyo at sa kanya’y basura lang ‘to,kahit wala naman talagang silbi para sa kanya lahat ng ginagawa mo, kahit sa tingin mo tama ang nararamdaman mo ngunit mali sa harapan nya dahil ayaw nya. Yun ang napatunayan ko sa loob ng mahabang panahon na pagkakakulong ko sa pagmamahal sa kanya. Kahit masakit sa kin na ihinto at kalimutan na lang ang aking nararamdaman, kailangan kong gawin dahil kailangan ko ng gamutin ang sugat na dinulot nya. Nasasaktan ako sa lahat ng nangyari na hindi nya ako minahal..at hinding hindi nya ako mamahalin kailanman.

No comments:

Post a Comment